Del Rosario ibinulsa ang PBC ladie’s Masters crown
MANILA, Philippines - Lumabas ang malawak na karanasan ni Liza del Rosario nang talunin ang tulad niyang national bowler na si Liza Clutario para kunin ang ladies’ Open Masters title ng 41st PBC-PSC-POC championships noong Sabado sa SM lanes sa Mall of Asia, Pasay City.
Umabot sa deciding Game Three ang tagisan at nakitaan ng mas matibay na laro si Del Rosario upang makumpleto ang 213-167, 172-214, 233-187 panalo at makamit ang P100,000 unang gantimpala.
Ito ang ikaapat na national title ni Del Rosario at kinailangan niya munang talunin si Asian Youth Masters champion Alexis Sy, 223-182, sa ikalawang stepladder match para makuha ang karapatang maglaro sa finals.
Si Del Rosario na kabilang sa TBAM-Prima at suportado ng Boysen ay nalagay lamang sa ikalawang puwesto matapos ang 12-game finals sa 2481. Si Clutario ang nasa unahan sa 2516.
“I’m proud and happy,” wika ni Del Rosario na ginamit ang Track and Ebonite balls sa dalawang linggong kompetisyon na suportado ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Boysen, PCSO, Team Prima, F.R. Sevilla Construction, HCG at Enervon.
Kuminang din sina Ramil Cisneros ng ATBA at Nelia Santos ng PPBA nang hiranging kampeon sa men’s at ladies’ Graded Masters division.
- Latest