^

PSN Palaro

Sumuko sa 10th round Marquez TKO kay Viloria

ATan - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Hindi na matatawaran ang kakayahan ni Brian ‘Ha­waiian Punch’ Viloria matapos ang dominasyon laban sa mas batang Mexican champion na si Hernan “Tyson” Marquez.

Ang dalawa ay nagsukatan sa ring sa Los Angeles Sports Arena sa Los Angeles, California upang malaman kung sino kina WBO flyweight champion Viloria at WBA king Marquez ang tunay na mas mahusay.

Ang inakalang dikitang laban ay hindi nangyari dahil naipakita ng 31-anyos na si Viloria ang mas mataas na kalidad ng pagbo-boxing nang tatlong beses na pahalikin sa lona si Marquez tungo sa tenth round technical knockout na panalo.

“To win the way I did tonight, against a fellow champion, this was greater than anything I could imagine,” wika ni Viloria sa panayam ng Ringtv.com. “This is the most satisfying win of my career,” dagdag nito.

Sa unang round pa lamang ay bumulagta na agad si Marquez nang tamaan ng matinding kanan. Sa fifth round ay muling napaupo si Marquez matapos maiwan ang sarili na bukas dahil sa walang humpay na pag-atake kay Viloria para tamaan ng isa pang kanan.

Sa tenth round ay muling sinikap ni Marquez na araruhin ng suntok si Viloria pero nailusot ng huli ang matinding kaliwang hook para muling tumumba ang Mexican fighter.

Nakabangon pa ito pero nagdesisyon na ang trainer nitong si Robert Garcia na itigil na ang laban sa 1:01 ng naturang round.

Naiangat ni Viloria ang ring record sa 32 panalo sa 37 laban, kasama ang 19 KO at ito ang ikatlong matagumpay na pagdepensa sa titulong inagaw kay Julio Cesar Miranda noong Hulyo, 16, 2011.

Nakuha rin ni Viloria ang ika-18 panalo laban sa isang Mexican fighter sa kanyang career at nagpatamis dito ang maging unified champion ng flyweight division.

Nalasap naman ni Marquez ang ikatlong kabiguan sa 37 laban.

Samantala, ipinakita ni Drian “Gintong Kamao” Francisco ang kanyang kahandaan na mapalaban na sa world title nang kunin ang fifth round technical knockout panalo kay Javier Gallo ng Mexico.

Walong rounds lamang itinakda ang bakbakan pero hindi natapos ni Gallo ang laban nang magdesisyon ang referee na si Lou Moret na itigil na ang sagupaan may 2:54 sa ikalimang round nang hindi na makagulapay ang Mexicano sa walang humpay na suntok ni Francisco.

Umakyat si Francisco sa 24 panalo at isang talo kasama ang 19 KO at ang panalo ay inaasahang maglilinya sa kanya sa posibleng title fight sa 2013.

 

GINTONG KAMAO

JAVIER GALLO

JULIO CESAR MIRANDA

LABAN

LOS ANGELES

LOS ANGELES SPORTS ARENA

LOU MORET

MARQUEZ

ROBERT GARCIA

VILORIA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with