3 gold sa Gensan sa BP Mindanao Leg: Calis ibinigay ang unang gold ng Misamis
DAPITAN CITY, Philippines --Inangkin ni Jie Anne Calis ng Misamis Occidental ang unang gintong medalya sa Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012 Mindanao leg nang lumundag ng 4.25 metro sa long jump event kahapon sa Jose Rizal Memorial State University sports complex.
Orihinal na sasabak sa mga running events na inalis dahil sa masamang kondisyon ng track oval, lumipat ang 13-anyos na tubong Plaridel municipality ng event.
Dapat ay kalahok siya sa 1,500-meter at 800m kung saan siya nanalo ng gold at silver medals, ayon sa pagkakasunod, sa nakaraang 2012 Palarong Pambansa sa Lingayen, Pangasinan.
Nakatakda pang sumali ang 7th grader ng Look National High School sa triple jump ngayong araw.
Tatlong gold medals ang inangkin ng General Santos City mula sa mga panalo nina Fauzi del Rio sa girls 14-15 long jump, Mary Jane Lawas sa girls 14-15 shot put at Louie Restauro sa boys 13-under long jump.
Ang iba pang nanalo ng ginto sa athletics ay sina Jayra del Rosario ng Misamis Occidental sa girls 13-under shot put, Lian Julius Galinga ng Davao City sa boys 13-under shot put, David James Francisco ng Zamboanga City sa boys 14-15 shot put at Ganah Elizalde ng Zamboanga City sa girls 14-15 long jump.
Sa Rizal Memorial Institute covered courts, isang triplets mula sa Western Visayas ang kumuha ng tatlong gold medals sa pencak silat national finals.
Inangkin ni John Carl Segutier ang gold sa tunggal (solo artistic), habang naghari naman ang kanyang mga kapatid na sina John Christian at John Clark sa ganda (double choreographed tactics) kasunod ang pagtutuwang nila para sikwatin ang regu (team artistic form).
- Latest