Sa ipinakikitang kondisyon kayang talunin si Marquez: Barrera bumilib kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Sa kanyang napanood sa Wild Card Boxing Gym, hinangaan ni dating Mexican boxing legend Marco Antonio Barrera ang kondisyon ni Filipino Boxing superstar Manny Pacquiao.
“He is looking very good. He is still very strong. He is working hard because of his fourth meeting with Marquez,” sabi ni Barrera, nagtatrabaho ngayon bilang chief boxing correspondent ng Mexican boxing program na Television Azteca, sa panayam ng GMA News.
Kasalukuyang pinaghahandaan ng 33-anyos na si Pacquiao ang kanilang pang apat na paghaharap ng 39-anyos na si Juan Manuel Marquez sa Disyembre 9 (Manila time) sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Dalawang beses nagsagupa sina Pacquiao at Barrera sa ibabaw ng boxing ring.
Tinalo ni Pacquiao ang 38-anyos na si Barrera sa kanilang unang paghaharap noong Nobyembre ng 2003 via 11th-round TKO kasunod ang unanimous decision win ni ‘Pacman’ sa kanilang rematch noong Oktubre ng 2007.
Huling lumaban si Barrera, nagkampeon sa super bantamweight, featherweight at super featherweight divisions, noong Pebrero 12, 2011 kung saan niya binigo si Jose Arias via second-round TKO sa isang non-title fight sa Jalisco, Mexico.
Matapos ang panayam ay sumabay naman si Barrera kay Pacquiao sa pagjo-jogging kinaumagahan.
“Took my morning run with Marco Antonio Barrera today and trained w/@FreddieRoach at Wild Card,” sabi ni Pacquiao sa kanyang Twitter account.
Sa kanyang sparring session ay nakasabayan ni Pacquiao sina Mexican Ray Beltran at Russians Ruslan Provodnikov at Vladimir Saurhankan.
Maghaharap sina Pacquiao (54-4-2, 38 KOs) at Marquez (54-6-0, 39 KOs) sa isang non-title, welterweight fight na naglalatag sa espesyal na WBO ‘Champion of the Decade’ championship belt.
- Latest