PBA D-League Aspirant’s Cup NLEX, Cebuana sasampa uli sa itaas
MANILA, Philippines - Sumosyo uli sa liderato ang hanap ng NLEX Road Warriors at Cebuana Lhuillier Gems sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa Trinity University of Asia gym.
Kalaban ng Road Warrriors ang Boracay Rum sa ganap na alas-2 ng hapon habang ang Gems ay susukatin ang Fruitas dakong alas-4 at ang makukuhang panalo ay magtutulak sa dalawang koponan na mapantayan ang Big Chill sa tuktok ng standings.
Galing ang bataan ni coach Boyet Fernandez sa 101-71 panalo laban sa Erase Xfoliant sa unang asignatura upang lumawig na sa 18 ang pagpapanalo na nasimulan na noong Enero 31 sa semifinals ng Aspirants Cup.
Wala pang panalo ang Waves matapos ang dalawang laro pero hindi nagkukumpiyansa si Fernandez na aasa sa team work ng kanyang bataan para magpatuloy ang winning streak.
Galing naman ang Gems sa 86-76 panalo laban sa Boracay Rum para sa magarang panimula.
Ngunit dapat maging handa ang tropa ni coach Beaujing Acot sa bagitong koponan ni coach Nash Racela dahil tiyak na hahataw sila matapos ang di inaasahang pagbawi sa 88-82 panalo na naiposte sa Café France.
Binawi ang panalo dahil sa paggamit kay Joseph Erioubu na ineligible player dahil kulang pa ang kanyang mga dokumento para payagang makasama sa liga.
Makakapagbigay ng mas magandang laban ang Fruitas dahil magagamit na nila ang mga pambato ng NCAA champion San Beda sa pangunguna ni 6’7 import Olaide Adeogun.
- Latest