Casio ‘di nahirapan sa sistema ng Alaska
MANILA, Philippines - Bagamat bagong lipat lamang mula sa Powerade, ngayon ay Globalport, hindi na nahirapan si JVee Casio na maging pamilyar sa sistema ng Alaska.
Ipinakita ito ng sophomore playmaker nang banderahan ang Aces sa kanilang pang apat na sunod na panalo para pumangalawa sa elimination round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup.
Sa 94-92 panalo ng Alaska laban sa nagdedepensang Talk ‘N Text noong nakaraang Biyernes, tumipa si Casio ng 25 points, kasama dito ang isang game-winning layup, para hirangin siya bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
“Jayvee is in a good flow right now,” sabi ni Aces’ head coach Luigi Trillo sa dating La Salle Green Archer. “People talk about his scoring, but he is helping out in so many ways. His defense is very underrated.He also has been passing the ball well.”
Naglilista ang dating national team standout ng mga averages na 18.6 points at 4.9 assists per game sa arangkada ng Alaska sa torneo matapos ang 0-2 panimula.
“As good as he is playing there is still room for improvement for Jayvee,” wika ni Trillo. “The real test will be this week, when we face the two hottest teams, Rain or Shine and San Mig Coffee.”
Nasangkot si Casio, ang No. 1 overall pick ng Powerade sa 2011 Rookie Draft, sa isang multi-player, three-team trade bago magbukas ang 38th season ng PBA.
Para sa season-opening conference, naglista si Casio ng mga averages na 15.4 points, 2.9 rebounds, 4.1 assists at 1.0 steals.
- Latest