Simula na ang aksyon sa PBC-PSC-POC Open kegfest
MANILA, Philippines - Ang mga mahuhusay at mga papasibol sa larangan ng bowling ay magsusukatan mula sa araw na ito sa paggulong ng 41st PBC (Philippine Bowling Congress (PBC)-POC-PSC Open championships sa SM Center lanes sa Mall of Asia sa Pasay City.
Sina Biboy Rivera, Liza del Rosario at Liza Clutario ang mga mangunguna sa mga beterano habang sina Enzo Hernandez at Alexis Sy ang babandera sa mga bata pero may sinasabing bowlers na magtatagisan sa loob ng dalawang linggo.
Suportado ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Boysen, Team Prima at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ang torneo ay bubuksan sa ganap na alas-10 ng umaga sa isang misa bago ang opening ceremony na dadaluhan nina POC president Jose “Peping” Cojuangco, at PSC Chairman Ricardo Garcia.
Nasa seremonya rin si PBC president at organizing chairman Ernesto “Toti” Lopa at katuwang si Girlie Solis.
Ang mga bowlers mula sa ibang PBC recognized clubs tulad ng SLETBA, PWBA, BALP, PSB, McTBA, MTBA, PBA, LCTBA, Imus, MBA at ABC ay sasali rin.
“Nilimitahan namin ang pagsali ng mga local bowlers para matukoy at makilatis ang mga bowlers na may talento at maaaring pakinabangan ng pambansang koponan,” ani Lopa.
Sina Frederick Ong, Raoul Miranda, Krizziah Tabora, Kenneth Chua, Janine Kuwahara, Carlo Mansilungan, Rachelle Leon, Nikko Olayvar, Madeleine Llamas, Jong Enriquez at Kenneth Palad ang iba pang palaban sa torneo.
Ang dating Asian Games gold medalist na si RJ Bautista at Krizziah Tabora na parehong lalahok sa Bowling World Cup sa Poland ay sasali rin.
Si Paeng Nepomuceno na siyang nagdedepensang kampeon sa Masters ay hindi sasali sa pagkakataong ito.
Bukod sa Open Masters, ang iba pang paglalabanan na titulo ay Associate, Seniors at boys’ and girls’ Masters, singles, doubles, team trios at all events.
- Latest