Asian masters athletics championships: 2-gold itinakbo nina Muros Bulauitan
MANILA, Philippines - Nagpasikat agad sina Elma Muros-Posadas at Lerma Bulauitan-Gabito sa century dash para bigyan ng kinang ang laban ng Pambansang atleta sa unang araw ng 17th Asia Masters Athletics Championships kahapon sa Taipei City Sports Park sa Chinese-Taipei.
Si Muros-Posadas na nanalo ng 15 gintong medalya sa paglalaro sa South East Asian Games ay nagdomina sa women’s 45-49 kategorya habang si Bulauitan-Gabito na siyang humalili kay Elma noong nagretiro siya ay kuminang sa 100-m run sa 35-39 age group.
“May ibang events pa ako kaya medyo alalay lang ang takbo,” wika ni Muros-Posadas na gumawa ng 13.87 segundo tiyempo para talunin sina Marina Semenkova ng Kazakhstan (14.04) at Prasad Sachidnad Minoti ng India (14.80).
Hindi naman nagpahuli si Bulauitan-Gabito na may bilis na 13.01 segundo para manaig kina Sunita ng India (14.39) at Bernice Lau Kam Mun ng Malaysia (14.71).
May dalawa pang pilak ang bitbit nina John Lozada at Aurora Ramos para magkaroon ng disenteng pagbubukas ang laban ng delegasyon na umaasinta ng hindi bababa ng 10 ginto sa torneo.
“Nasa target tayo at umaasa pa na may mga ginto pang darating sa atin,” wika ni National Masters and Seniors Athletic Association of the Philippines (NMSAAP) president Manny Ibay.
Si Lozada ay tumakbo sa 800m sa 35-39 class at may 2:05.63 tiyempo para pumangalawa kay Endo Atsushi ng Japan sa 2:00.38 habang si Ramos ay tumakbo sa 50-54, 100m race at may 14.68. Nanalo sa karera si Tse Wah Sau ng Hong Kong sa 14.55 bilis.
Ang Japan ang maagang nagpapakita ng kanilang husay sa kinuhang 25 ginto, 19 pilak at 10 bronze habang ang India ang nasa ikalawang puwesto sa 11-8-11 medal tally.
Nasa ikatlo naman ang host Taipei sa 8-11-17 medalya.
- Latest