Mayweather kay Pacquiao: ‘wag mo akong diktahan!
MANILA, Philippines - Nag-ingay uli si Floyd Mayweather Jr. at inaatake si Manny Pacquiao.
Sa panayam sa kanya sa Fighthype.com ay binatikos ni Mayweather ang Pambansang kamao patungkol sa alok na 55-45 pabor sa kanya na hatian sa kikitain para lamang matuloy ang kinasasabikan ng lahat na tagisan ng dalawa sa ring.
Ilang taon na sinisikap na pagtapatin ang dalawang tinitingala sa mundo ng professional boxing pero hindi maisara-sara ang usapin dahil nais ng walang talong Mayweather na mas malaki ang kanyang kakabigin.
Para kay Mayweather na may 43-0 baraha at hari ngayon sa WBA light middleweight division, hindi puwedeng magdikta si Pacman sa nais nitong mangyari dahil hindi sila magkapantay ng lebel.
“Unless I’m mistaken, Manny Pacquiao received a check for 6 million dollars the night of his last fight, according to the bout agreement. So how can a 6 million dollar fighter, who don’t even do the type of numbers that I do or bring in the type of revenue that I bring in, even offer me anything,” wika ni Mayweather.
Tinuran din niya ang kanyang record hinggil sa Pay Per View na dinudumog ng manonood laban sa PPV ni Pacquiao na ang numero ay kanyang pinagdududahan.
Ang paglabas ni Mayweather upang muling tirahin si Pacquiao ay nangyari matapos magpalabas ng public apology noong Setyembre para i-atras ng natatanging 8-division title holder ang naunang isinampa na kasong libelo noong 2009.
Dumulog si Pacquiao sa korte matapos sabihan ni Mayweather na gumagamit siya ng mga performance-enhancing drugs.
Bagama’t wala pang tugon, ang mga maiinit na pananalita na ito ni Mayweather ay tiyak na gagamitin ni Pacquiao bilang dagdag-inspirasyon para makapagtala ng matinding panalo sa ikaapat na pagtutuos laban kay Juan Manuel Marquez sa Disyembre 8.
- Latest