Sa 6th Wushu Sanda World Cup Pinoy wushu artists nag-uwi ng 2 gold
MANILA, Philippines - Patuloy ang pagkinang ng mga atletang inilalaban ng Wushu Federation Philippines sa malalaking torneo sa labas ng bansa.
Matapos manalo ng ginto si Alieson Ken Omengan sa 4th World Juniors Wushu Championship noong Setyembre, ang mga beteranong sanda artists na sina Dembert Arcita at Jesse Aligaga ang kuminang sa 6th Wushu Sanda World Cup na ginawa sa Wuyishan, China kamakailan.
Ang dalawa ay nanalo rin noong nakaraang taon ng ginto sa World Wushu Championships upang mapangatawanan bilang dalawa sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo ng wushu.
Tinalo ng 27-anyos na si Arcita si Hoang Hong Tu ng Vietnam sa 52 kilogram division habang ang 28-anyos na si Aligaga ay nanaig kay Doan Yuan Cuong ng Vietnam sa 48-kilogram class.
Ang panalo ni Arcita kay Tu ay ikalawang sunod dahil siya rin ang ginapi niya para sa ginto sa world championships.
Si Benjie Rivera ang ikatlong manlalaro na ipinadala ng Pilipinas at nakapag-ambag siya ng isang pilak sa larangan ng 56-kilogram nang natalo kay Li Kang ng China.
Ang mga Ilonggo na sina Arcita at Aligaga ang ikatlo at ikaapat na gold medalists ng Pilipinas sa World Cup kasunod ng kababayan nilang si Rene Catalan na nagdomina sa unang dalawang edisyon.
- Latest