Simula na ng matinding hatawan sa PBaRS
MANILA, Philippines - Higit sa 250 laro ang magbubukas sa P1 million MVP Sports Foundation-Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) Makati leg ngayong araw kung saan nakataya ang cash prizes, ranking points at posibleng puwesto sa national pool.
Hahataw ang mga laban sa ganap na alas-8 ng umaga at magtatapos ng alas-8:40 ng gabi sa Powersmash sa Makati City dahilan sa 700 lahok sa 15 events.
Tampok sa mga events ang Open men’s at women’s singles na may nakalatag na P70,000 para sa mananalo maliban pa sa boys’ at girls’ U-19 at U-15 singles, ang Open, boys’ at girls doubles at ang mixed doubles.
Ang Open men’s singles, Under-19 at U-15 boys’ singles ay sasalihan ng 128 players, ayon kay tournament director Nelson Asuncion.
Habang inaasahang mananalo ang mga miyembro ng national pool, posible namang may manggulat mula sa iba’t ibang probinsya sa torneong itinataguyod ng MVP Sports Foundation.
Kabuuang 30 laro ang makikita sa boys’ U-19 singles sa 10 Powersmash courts.
Ilan sa mga maglalaro ay si Jerickson Oba-ob laban kay James Quimbao, Akishiete Hilario kontra kay Nikolas Bellosillo, Lawrence Batalla katapat si Leo Orsolino, Ralph Sotto kabangga si CK Clement at si Rey Chan kaduwelo si Nathaniel Pineda.
Ang iba pang event sa torneong inorganisa nina Philippine Badminton Association Vice President Jejomar Binay, chairman at sports patron Manny V. Pangilinan at sec-gen Rep. Albee Benitez ay ang U-15 boys’ at girls’ singles, men’s Open singles, U-19 girls singles, Open, U-19 at U-15 mixed doubles, Open men’s at women’s doubles, at ang U-19 at U-15 mixed doubles.
- Latest