US open 9-ball championship :palaban pa ang mga pinoy
MANILA, Philippines - Apat pang Pinoy cue-artist sa pangunguna ng one-time champion Efren “Bata” Reyes ang palaban para sa puwesto sa final round sa idinadaos na 37th Annual US Open 9-Ball Championship sa Holiday Inn Virginia Beach, Virginia, USA.
Ang 58-anyos na si Reyes, na siyang natatanging Filipino na nanalo sa prestihiyosong torneo ay nanaig kina two-time defending champion Darren Appleton ng Great Bri-tain, 11-10, at Wang Can ng China, 11-7.
Sunod niyang haharapin si Dennis Orcollo na tinalo naman sina Mike Davis ng USA, 11-5, at Niels Feijen ng Netherlands, 11-8.
Ang mananalo sa tapatang ito ang aabante sa final bracket habang ang matatalo ay magkakaroon pa ng pagkakataong makaabante kung mananalo sa laban sa loser’s bracket.
Si Jose Parica at Ronato Alcano ay nagsipanalo rin para maging palaban sa winner’s group.
Tinalo ng 63-anyos na si Parica sina Raj Hundal ng India, 11-10, at Earl Strickland ng USA, 11-5, upang ikasa ang pakikipagsukatan kay Jayson Shaw ng USA.
Si Alcano ay nanaig sa mga matitikas na kalaban na sina Mika Immonen ng Finland, 11-4, at Li He-wen ng China, 11-4, para makatapat si Shane Van Boening ng USA.
Nanalo din si Fil-Canadian at dating kampeon Alex Pagulayan kina Daryl Peach ng Great Britain, 11-10, at Chang Jung-lin ng Chinese-Taipei, 11-6, at sunod na kakalabanin ni Johnny Archer ng USA.
Nasama naman sa mga namahinga na sa hanay ng panlaban ng Pilipinas sina Warren Kiamco at Carlo Biado matapos matalo sa loser’s side.
Nasibak si Kiamco kay David Alcaide ng Spain, 6-11, habang natalo si Biado kay Jin Hu Dang ng China, 7-11.
- Latest