4 pang teams mag-uunahan sa panalo sa PBA D-League
MANILA, Philippines - Apat pang koponan ang maghahabol sa unang panalo sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Unang sasalang ang Big Chill laban sa collegiate team na Jose Rizal University sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng pagtutuos ng baguhang Fruitas at Café France dakong alas-4.
Ang mananalo ay makakasalo ng Cagayan Rising Suns at Cebuana Lhuillier na kumuha ng kanilang unang panalo sa pagbubukas ng liga noong Martes.
Tinalo ng Rising Suns ang Informatics Icon, 89-85, habang umukit ang Gems ng 86-76 panalo sa Boracay Rum.
Nawalan man ng mahahalagang manlalaro, nakuha naman ni coach Robert Sison sina Terrence Romeo, Ryan Buenafe at Arvie Bringas para pagtibayin ang laban ng koponan na pumangalawa sa NLEX noong nakaraang conference.
Unang pagkakataon na sumali ang Heavy Bombers sa liga at sasandalan ni coach Vergel Meneses at bukod sa pagbitbit sa mga matitikas na kamador na sina John Byron Villarias, John Lopez, Alex Almario at Michael Mabulac, kinuha rin niya ang serbiso ng ibang NCAA players na sina Kenneth Ighalo, Michael Miranda, John Pinto at ex-UST gunner Khazim Mirza.
- Latest