Alas sumulat na sa NCAA Mancom
MANILA, Philippines - Ipinadala na ni Letran coach Louie Alas ang kanyang letter of apology sa NCAA Management Committee matapos ang ‘slit-throat’ aksyon sa Game Two ng men’s basketball Finals laban sa San Beda noong nakaraang Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
“Have submitted the letter to Fr. Vic Calvo. It’s time to move on and focus on Game Three,” wika ni Alas sa isang text message.
Ang sulat ay ipinadala kay Dax Castellano ng La Salle Greenhills na siyang humahawak sa problema matapos mag-inhibit si Fr. Calvo, ang Mancom chairman pero athletic director din ng Knights.
Bukod kay Alas ay hiningian din ng Mancom si technical director ng officiating Romy Guevarra ng written apology pero hindi pa batid kung ginawa ito ng batikang referee noong kanyang kapanahunan.
Naparusahan si Alas dahil nasira ang kredibilidad ng liga at ng officiating sa aksyon na ginawa sa harap ng libu-libong manonood.
Sa kabilang banda, si Guevarra ay naparusahan dahil sa kanyang ‘dirty finger’ kay Alas habang papalabas ito ng court.
- Latest