Written apology kina Alas, Guevarra, utos ng NCAA Mancom
MANILA, Philippines - Hinihingian ng NCAA Management Committee (Mancom) ng written apology sina Letran coach Louie Alas at technical director Romy Guevarra para mapatawad sa aksyon na ginawa sa Game Two sa 88th NCAA men’s basketball Finals.
Kailangang ipadala ang written apology sa Mancom bago ang do-or-die Game Three sa Biyernes at ang hindi pagtalima ay magreresulta upang masuspindi sina Alas at Guevarra.
Naunang nagpulong ang Mancom na pinamunuan ni Dax Castellano ng La Salle Greenhills noong Lunes ng hapon at nakausap nila si Alas at pinagpaliwanag kung bakit ginawa ang ‘slit-throat’ bilang reaksyon sa tawag laban sa Knights sa ikatlong yugto.
“The ManCom after deliberation has decided to uphold the recommendation of Commissioner Lipa which is for coach Louie Alas to issue a public apology since his action tainted the integrity of the officials and the league,” wika ni Castellano.
Si Guevarra ay naparusahan dahil sa ‘dirty finger’ na ipinukol kay Alas habang papalabas ang opisyal ng court dahilan upang muntik siyang sugurin ng beteranong mentor.
Humingi na ng paumanhin kahapon si Alas sa mga mamamahayag na nakapanayam sa kanya at ang aksyon ay bugso lamang ng damdamin bilang isang coach at hindi personal.
“Mga nirerespetong tao sina Commissioner Joe Lipa, Romy Guevarra at Bai (Arturo) Cristobal at hindi ko intensyon na manakit. I apologized for my action,” wika ni Alas.
Ang deciding game ay gagawin sa ganap na ika-1 ng hapon at ang mananalo sa pagitan ng Letran at San Beda ang siyang mag-uuwi rin ng ika-17th NCAA title.
- Latest