Sa Biyernes sa Smart Araneta Coliseum gagawin ang pinakahihintay na sudden-death sa pagitan ng San Beda at Letran para sa 88th NCAA men’s basketball title
MANILA, Philippines - Napagdesisyunan ito ng pamunuan ng liga at sa ganap na ala-1 ng hapon ito magsisimula.
Kailangang agahan ang laro dahil may aksyon ding magaganap sa PBA na magsisimula sa ganap na alas-5:15 ng hapon.
Nauna ng itinakda ang Game Three sa Huwebes sa Smart Araneta Coliseum pero kinailangang kanselahin ito dahil may sabong na gagawin sa Big Dome.
Sinipat din ang araw ng Miyerkules pero kakapusin ang liga na maipamahagi ang mga tickets ng laro kaya’t isinara na sa Biyernes ang labanan.
Nakauna ang Lions, 62-60, pero bumawi ang Knights, 64-55, sa Game Two noong nakaraang Sabado.
Samantala, hihingiin ni Letran coach Louie Alas ang opinion ng pamilya at kaparian ng Letran kung isasagawa ba o hindi ang public apology bunga ng cut-throat na ginawa niya sa mga referees na nangyari sa Game Two.
Rekomendasyon ni Commissioner Joe Lipa ang pagpapahayag ng public apology ni Alas dahil sinira umano ng beteranong mentor ang reputasyon ng mga referees sa kanyang naging aksyon.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na may coach na gumawa nito.
Sa UAAP finals ay umakto rin ng ganito si UST coach Alfredo Jarencio pero walang ipinataw na kaparusahan sa mentor.