13 gold sinipa ng Baguio City Jins

 LINGAYEN, Panga­si­nan, Philippines --Mula sa kanilang mga panalo sa taekwondo at swimming competitions, napasakamay ng Baguio City ang pamumuno sa overall standings ng 2012 POC-PSC Batang Pinoy kahapon dito.

Sumipa ang mga Baguio City jins ng 13 sa ka­buuang 16 gintong iniha­nay sa taekwondo event na ginawa sa Pangasinan and Development Center.

Nagbulsa ang Baguio City ng 56 gold, 40 silver at 36 bronze medals upang mamuno sa overall stan-dings kasunod ang Pangasinan (47-70-65).

Ang mga nanalo sa junior men’s division ay sina finweight Christian Mark Duntugan, flyweight Monsour Carlo Salazar, bantamweight Tristan Dale Cayago, featherweight Kendrix Klyndale Galiah, lightweight John Gervin Astrologio, welterweight Rencer Shane Lavestre at middleweight John Christian Mapalo.

Ang iba pang nagwagi para sa Baguio City sa junior women’s class ay sina finweight Angelica Joyce Gaw, flyweight Key­va Arizza David, bantam­weight Coleen Heria, fea­therweight Leslie Marie Agyamoc, lightweight Phoebie Kate De Guzman at welterweight Kaye Shanelle Romuar.

Nagdagdag ng ginto para sa Baguio City sa Dagupan Poolsite sina Jenkins Labao (boys’ 13-15 100m butterfly at 200m Individual Medley), Elise Liana Labao (girls’ 12-under 50m backstroke) at Natasha Felise Igama (girls’ 12-under 50m freestyle).

Nakamit ng 11-anyos na si Jamleth Marie Villa­nueva ng Olongapo ang kanyang ikaanim na ginto nang magtala ng 1:17.24 sa girls’ 12-under 100-meter butterfly. 

Show comments