MANILA, Philippines - Isang araw matapos igiya ang Ateneo Blue Eagles sa kanilang pang limang sunod na korona sa 75th UAAP, tinulungan naman ni head coach Norman Black ang Tropang Texters sa ikalawang dikit na panalo.
Humugot si Jayson Castro ng 12 sa kanyang game-high 30 points sa fourth quarter, habang isinalpak ni Ranidel De Ocampo ang krusyal na three-point shot sa huling 9.2 segundo para sa 108-104 paggiba ng nagdedepensang Talk ‘N Text sa Globalport sa elimination round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
“Okay naman, kahit paano alam na namin ang sistema ni coach Norman,” sabi ni Castro kay Black na inalalayan ni assistant coach Nash Racela sa bench ng Tropang Texters.
May 2-1 record ngayon ang Talk ‘N Text sa ilalim ng Barangay Ginebra San Miguel (2-0) kasunod ang San Mig Coffee (1-0), Rain or Shine (1-1), Barako Bull (1-1), Meralco (1-1), Petron Blaze (1-1), Alaska (0-2) at Globalport (0-3).
“It’s pretty much a work in progress for me. There was a lot of miscommunication in plays because the players are still learning my system,” wika ni Black, pumalit kay Chot Reyes na gumagabay ngayon sa Smart Gilas Pilipinas 2.0.
Hindi nakalaro si Gary David dahil sa kanyang sprained left knee matapos madulas sa team practice ng Batang Pier kamakalawa.
Ipinoste ng Tropang Texters ang isang 16-point lead, 86-70, sa 1:03 ng third period mula sa maiksi nilang 57-52 bentahe sa halftime.
Sa likod nina two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller, Rabeh Al-Hussaini at rookies Vic Manuel at Jason Deutchman, nakalapit ang Globalport sa 86-88 agwat sa 9:28 ng fourth quarter hanggang agawin ang unahan sa 104-101 sa 3:41 nito.
Tumapos sina Ryan Reyes at Larry Fonacier na may tig-19 points para sa Talk ‘N Text kasunod ang 15 ni De Ocampo at 11 ni Kelly Williams.
Talk ‘N Text 108 - Castro 30, Reyes 19, Fonacier 19, De Ocampo 15, Williams 11, Alapag 5, Peek 4, Carey 3, Gamalinda 2, Raymundo 0, Alvarez 0.
Globalport 104 - Miller 22, Manuel 21, Al-Hussaini 17, Salvador 9, Vanlandingham 8, Deutchman 7, Guevarra 6, Yee 6, Mandani 4, Cruz 2, Antonio 2, Lingganay 0.
Quarterscores: 32-31; 57-52; 86-74; 108-104.