Ober da Bakod na ang PSC
Tila ‘ober da bakod’ o wala na sa lugar ang ginagawa ng Philippine Sports Commission na pakikialam sa mga National Sports Associations.
Kamakailan, kulang na lamang ay sabihin ni PSC Commissioner Richie Garcia na may paboritismo sa Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP), at walang kakayanan ang mga opisyal nito na mamili ng tamang atleta na lalahok sa National team.
Sabi ni Garcia, “hindi na puwede yung basta kamag-anak o ka-probinsiya lang .” Patungkol sa ginagawang seleksyon ng ABAP sa national pool. Kung paninindigan ito ni Garcia para bang sinabi niya na pulpol ang mga napili ng ABAP at hindi karapat-dapat ang mga ito.
Seryoso ang mga sinabing ito ni Garcia. Hindi lang natin alam kung mayroon siyang paghuhugutan ng ebidensya sakaling maisipan ng ABAP na ‘gumanti’. Hindi rin naman natin maialis na rumesbak ang ABAP dahil reputasyon ng NSA at ng opisyales nito ang nakataya.
Siyempre agad namang sinabi ni Ricky Vargas ang presidente ng ABAP na may mga kriterya ang ahensya na kanilang sinusunod at ito ang basehan nila sa pagpili ng mga boksingero sa national team.
At sa pananaw ng marami ay hindi dapat na palagpasin ng ABAP ang mga akusasyon ni Garcia na kung hihimayin ay isang insulto sa ABAP, at panunuya sa pagkatao ni Vargas.
Nagtataka rin tayo kung saan nagmula ang mga sinabing ito ni Garcia. Sa tingin ko ay patas naman ang seleksyon sa ABAP. Katunayan ay galing sa iba’t ibang lugar ang mga boksingero na kasalukuyang nasa national pool, at hindi sa iisang lugar lamang.
Alam din natin na humagilap ng mga boksingero ang ABAP sa iba’t ibang sulok ng bansa kaya nga sila mayroong mga nakuhang fighters tulad nina Olympians Mark Anthony Barriga, World Juniors champion Eumir Marcial at World Women’s champion Josie Gabuco.
Alam kaya ni Garcia na mahigit isang dosenang national tournaments na ang nagawa ng ABAP upang humanap ng pinakamahusay na atleta. Kasama sa mga pinagdausan nila ay ang Bacolod, Ormoc, Davao del Norte, Cagayan de Oro, Cebu, Tayabas, Mandaluyong, Puerto Princesa, Quezon City, Dumaguete, Tagbilaran, Carmen at Bohol.
Sa pagkakaalam ko ay libu-libong mga boksingero na ang nakalahok sa mga torneong ito ng ABAP.
Kaya nga’t nagtataka ako kung bakit sinasabi ni Garcia na talamak ang paboritismo sa ABAP.
Mag-isip muna dapat bago magsalita.
Baka mag-boomerang yan sa PSC.
- Latest
- Trending