MANILA, Philippines - Ang magandang eksperyensa ang inaasahan ni coach Vergel Menses sa pagsabak ng kanyang Jose Rizal University sa darating na PBA Developmental League.
Ngunit tiniyak ni Meneses na makikipagsabayan ang Heavy Bombers sa nasabing torneo.
Nakatakdang labanan ng Jose Rizal ang Perpetual Help sa isang knockout game sa Huwebes kung saan ang mananalo ang sisikwat sa huling tiket sa Final Four sa 88th NCAA men’s basketball tournament.
Isang dating PBA Most Valuable Player, sinabi ni Meneses na sasabak ang Heavy Bombers sa PBA D-League para ilaban sa mga bigating commercial teams.
“Alam naming malalakas ang team dito (sa D-League) kaya naniniwala kami na magandang preparasyon para sa next season ng NCAA ang pagsali namin dito. Kung makatsamba at makarating sa playoff mas maganda,” wika ni Meneses.
“Pero ang tiyak bawat game pukpok ang mga players ko,” dagdag pa ng dating PBA superstar.
Ang iba pang lalahok sa darating na 3rd season ng PBA D-League ay ang three-time champion NLEX, Big Chill, Cebuana Lhuillier, Blackwater Sports, Boracay Rum, Café France, Cagayan Rising Suns, Erase Plantcenta, Informatics/Phiten at HTC Phils.
Naniniwala si Meneses na ang kanilang tiyaga ang magtatakip ng butas sa kawalan nila ng sapat na eksperyensa sa PBA D-League.
“We’ll just do the best we can,” ani Meneses. “Hopefully, being an underdog and a new team will serve us in good stead.”