MANILA, Philippines - Tuluyan nang nawala ang tsansa kay Dennis Orcollo na muling makuha ang titulong napanalunan niya noong 2010 matapos mabigo kay Mateusz Sniegocki ng Poland, 8-6, sa semifinal round ng 2012 World Pool Masters sa Hala Legionow sa Kielce, Southern Poland.
Si Orcollo, ang 2010 Masters champion, ay sumegunda sa nagharing si German Ralf Souquet noong nakaraang taon.
Matapos namang talunin si Orcollo sa semis ay yumukod si Sniegocki sa kababayang si Karol Skowerski, 6-8, para sa korona at premyong $20,000.
Dahil sa pagiging runner-up, tumanggap si Sniegocki ng $10,000.
Unang tinalo ni Sniegocki si Souquet, 8-6, sa first round bago isinunod si Fil-Canadian Alex Pagulayan, 8-6, sa quarterfinals.
Pinatumba naman ni Skowerski sina Shane Van Boening ng USA, 8-2, Tony Drago ng Malta, 8-3, at si Nick Van Den Berg ng Netherlands, 8-6.