SSC Stags pinadapa ang SBC Red Lions
Laro sa Huwebes
(The Arena,
San Juan City)
4 p.m. St. Benilde
vs Letran (jrs playoff para sa No. 3)
6 p.m. Perpetual
vs Jose Rizal (srs playoff para sa No. 4)
MANILA, Philippines - Hindi ininda ng San Sebastian ang maagang pagkakatalsik sa laro ni Ronald Pascual nang humugot sila ng solidong numero kay Calvin Abueva patungo sa 69-55 panalo laban sa San Beda sa pagtatapos ng 88th NCAA men’s basketball elimination round kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Ibinuhos ni Abueva ang 13 sa kanyang 23 puntos sa huling yugto para maisantabi ang hamong ibinigay ng two-time defending champion Red Lions na nakadikit sa 41-43 matapos ang tatlong yugto.
“Mahalagang laro ito para sa amin. Pero hindi ko inaasahan na ganito matatapos ang laro kasi maagang nawala si Ronald (Pascual),” wika ni Abueva, humugot ng 16 rebounds, 2 blocks at 3 assists.
Sa tinapos ni Abueva, siya ang lalabas na kauna-unahang manlalaro ng NCAA na mangunguna sa scoring, rebounding at assist sa isang season.
Para sa Stags, nakuha nila ang ika-13 panalo matapos ang 18 laro para angkinin ang No. 2 seat at magkaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four laban sa host Letran.
Nawala si Pascual may 5:54 sa unang yugto dahil pinituhan siya ng punching foul kay Rome dela Rosa.
Pero hindi nakapitalisa ng San Beda ang pangyayari dahil sa husay ni Abueva at suporta mula kina Ian Sangalang at Dexter Maiquez. (AT)
San Sebastian 69 - Abueva 23, Sangalang 19, Maiquez 13, Juico 6, Gusi 5, Dela Cruz 3, Rebullos 0, Vitug 0, Miranda 0, Antipuesto 0, Pascual 0.
San Beda 55 - Dela Rosa 12, Lim 11, Caram 7, K. Pascual 6, J. Pascual 6, Adeogun 5, Dela Cruz 4, Amer 4, Mendoza 0, Ludovice 0, Koga 0.
Quarterscores: 9-7; 30-22; 43-41; 69-55.
- Latest
- Trending