Boston 'di umubra sa Turkish team sa preseason game
ISTANBUL -- Nalasap ng Boston Celtics ang kanilang unang kabiguan sa preseason ng NBA matapos sumuko sa Turkish team Fenerbahce Ulker, 91-97.
Umiskor sina first-round draft pick Jared Sullinger at Jeff Green ng tig-16 points para sa Celtics na nanlamig sa second quarter kung saan sila inungusan ng Ulker sa scoring, 29-18.
Nagtala si Rajon Rondo ng 13 points at 9 assists, habang may 12 markers si Jason Terry.
Kabuuang 25 turnovers ang itinawag sa Celtics.
Ang susunod na exhibition game ng Celtics ay sa Linggo sa Milan, Italy laban sa Emporio Armani.
Magbabalik ang Celtics sa Boston sa Lunes at muling mag-eensayo sa Oktubre 11 bago ang kanilang unang U.S. preseason game kontra sa New York Knicks sa Hartford, Conn. sa Oktubre 13.
Samantala, hindi naman sumama sa team practice ng Los Angeles Lakers si Kobe Bryant dahil sa pananakit ng kanyang kanang paa.
Apat na araw na nakipag-ensayo si Bryant sa unang apat na araw ng team practice ng Lakers sa kanilang training camp, subalit nagpahinga na lamang sa kanilang morning session noong Biyernes.
Sisimulan ng pang- limang leading scorer sa kasaysayan ng NBA ang kanyang pang 17th season para sa Lakers. Siya ay isang five-time NBA champion at 14-time All-Star.
- Latest
- Trending