MANILA, Philippines - Ipinakita ni Team Insider Boxing Gym top female boxer Gretchen Abaniel na handa na siya para sa isa pang tsansa sa world title matapos talunin si Christine Latube via unanimous decision sa Brunsmick sa Balibago, Sta. Rosa City, Laguna.
Ginamit ng 27-anyos na tubong Puerto Princesa, Palawan ang kanyang mga jabs at kombinasyon para dominahin si Latube sa loob ng anim na rounds.
Ipinaramdam ni Abaniel ang kanyang hangarin na makuha ang bakanteng Pan Asian Boxing Association minimumweight crown laban sa isang kalaban sa Japan sa susunod na buwan.
Si Abaniel ay nakakuha ng 60-54 kay judge Jerrold Tomeldan, 60-54 kay judge Elmer Lopez at 59-55 kay judge Greg Ortega.
“Tamang-tamang tune-up fight ito for me,” wika ng dating national team maintsay na si Abaniel na nagdadala ngayon ng ring record na 11 wins (2 KOs) at 4 losses.
Si Abaniel ay isa lamang sa mga pro boxers na nasa ilalim ng Team Insider Boxing Gym ni businessman Jonathan Thorp ng Great Britain na naninirahan na sa bansa sa loob ng 25 taon.
Matatagpuan ang gym sa Kalayaan Avenue (malapit sa Burgos St.) sa Makati, sa itaas ng Howzat Sports Bar na pagmamay-ari rin ng Briton.
Dinisenyo ni Atlanta Olympics silver medalist Onyok Velasco, ang Team Insider Boxing Gym ay ang tahanan ni Abaniel at nina boxers Roman Canto, Leonardo Jandayan at Ricky Dulay bukod pa kay world champ bodybuilder Luz McClinton ng Pinoy Big Brother fame.