MANILA, Philippines - Isang linggo bago ang kanilang upakan ay handang-handa na si unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. na makipagsabayan kay Japanese challenger Toshiaki ‘Speed King’ Nishioka.
Kamakalawa ay natapos na ang sparring session ni Donaire sa Undisputed Boxing Gym sa San Carlos, California.
“Training camp has been going excellent. We had our last sparring yesterday and we are mentally prepared and physically prepared for this big fight next weekend and we are going to put the game plan in the works and come out of this fight victorious,” ani Donaire sa kanilang conference call kahapon.
Maglalaban sina Donaire at Nishioka, ang WBC Emeritus super bantamweight king, sa Oktubre 14 (Manila time) sa Home Depot Center.
Itataya ni Donaire (29-2-0, 18 KOs) ang kanyang mga suot na WBO at IBF super bantamweight titles kontra kay Nishioka (39-4-3, 24 KOs) bukod pa sa pag-aagawan nilang WBC Diamond super bantamweight crown at sa Ring Magazine belt.
Sinabi ng tubong Talibon, Bohol at nakabase ngayon sa San Leandro, California na ibabalik niya ang dati niyang bangis matapos mabigong mapabagsak sina Omar Narvaez, Wilfredo Vazquez, Jr. at Jeffrey Mathebula.
Huling umiskor ng isang KO si Donaire noong Pebrero ng 2011 nang patulugin si dating world champion Fernando Montiel sa second round para agawin sa Mexican ang WBO at WBC bantamweight belts.