MANILA, Philippines - Nakatulong sa kampanya ng St. Clare College-Caloocan ang pagkatalo na nangyari sa STI College sa second round upang manumbalik ang tikas ng koponan.
Naiuwi ng Saints ang kauna-unahang kampeonato sa National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) nang walisin ang Centro Escolar University sa best-of-three finals na nagwakas makakailan.
“Nakatulong sa amin ang pagkatalo dahil bumalik ang pagsisikap at pagtutulungan ng mga players. Dikit ang pagkatalo namin sa STI pero mas maganda ito kaysa sa huli kami natalo,” wika ni Janno Manansala na kasama ang ama at PBA player Jimmy Manansala na dumalo sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura kahapon.
Tinapos ng St. Clare na pag-aari ni Dr. Jay Adalem, ang makulay na kampanya sa ika-12 taon ng liga sa pamamagitan ng 14-1 baraha.
“Ito ang unang pagkakataon na nanalo ang St. Clare at nangyari ito dahil sa maagang pagsasanay sa dedikasyon ng mga players. Wala ang University of Manila sa taong ito pero kahit sumali sila ay tingin ko ay mabibigyan din namin sila ng magandang laban dahil solid itong mga players,” dagdag pa ni Manansala.
Si Jeff Viernes ang lumutang nang husto sa kanilang hanay upang magkaroon ng magandang pagtatapos ang paglalaro sa ligang binuo ni Adalem.
Si Viernes na nag-average ng 31 puntos sa Finals ay maglalaro sa D-League at siya ay pinag-aagawan ng Cebuana Lhuillier at Erase Plantcenta.
Hindi pa naman tapos ang season ng Saints dahil ang pagkapanalo sa NAASCU ang nagtulak sa koponan para makasali sa Philippine Collegiate Champions League (PCCL).
Pero masalimuot ang landas na tatahakin ng Saints dahil dadaan sila sa preliminary round para makapasok sa tournament proper.
“Pahirapan ito dahil kailangan pa kaming mag-qualify. Pero handa kami na bigyan ng magandang laban ang kahit na sinong makalaban,” pagtitiyak ni Manansala.