Donaire kumuha ng 2 lightweights na sparmates
MANILA, Philippines - Dalawang lightweights ang kasalukuyang nakikipag-sparring kay unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. bilang paghahanda sa kanilang laban ni Japanese challenger Toshiaki ‘Speed King’ Nishioka.
Sina Oscar Diaz (3-1-1, 1 KO) at amateur pug Erick De Leon ang nagsisilbing sparmates ni Donaire sa Undisputed Bixing Gym sa San Carlos, California.
“Robert came up the other day and liked what he saw in sparring, and I’m just ready to show the fans the old Nonito Donaire,” sabi ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire sa panayam ng BoxingScene.com ukol sa kanyang Mexican trainer na si Robert Garcia.
Maglalaban sina Donaire at Nishioka, ang WBC Emeritus super bantamweight champion, sa Oktubre 14 (Manila time) sa Home Depot Center sa Carson, California.
Idedepensa ni Donaire (29-2-0, 18 KOs) ang kanyang mga bitbit na WBO at IBF super bantamweight titles kontra kay Nishioka (39-4-3, 24 KOs) bukod pa sa nakatayang WBC Diamond super bantamweight crown at sa Ring Magazine belt.
Determinado ang 29-anyos na si Donaire na maibalik ang dati niyang porma matapos mabigong mapabagsak ang kanyang huling tatlong nakaharap na sina Omar Narvaez, Wilfredo Vazquez, Jr. at Jeffrey Mathebula.
Samantala, matapos ang kanyang matagumpay na title defense sa Mexico City noong nakaraang Sabado ay nakauwi na sa Pilipinas si Denver ‘The Excitement’ Cuello kahapon ng umaga.
Muling binitbit ni Cuello ang kanyang WBC Silver minimumweight crown makaraang talunin si Mexican challenger Ivan Meneses via unanimous decision sa Auditorio del Bicentenario sa Morelia, Michoacán de Ocampo, Mexico City.
Hawak ngayon ni Cuello ang kanyang 32-4-6 win-loss-draw ring record kasama ang 21 knockouts kumpara sa 18-11-1 (10 KOs) slate ni Meneses.
- Latest
- Trending