MANILA, Philippines - Sinandalan ng La Salle ang husay ng bagitong si Donna Gamilla para iuwi ang 3-2 panalo sa UP at angkinin ang kampeonato sa 75th UAAP table tennis women’s division na nagtapos noong Huwebes ng gabi sa Ateneo Gum.
Hinarap ng 16-anyos na si Gamilla ang MVP ng nakalipas na season na si Bea Magpantay ng UP at ginulat ng Lady Archer ang beteranong Lady Maroon sa pamamagitan ng 11-7, 11-9, 11-5, panalo.
Ito ang bumasag sa 2-2 tablang iskor ng magkabilang koponan para ibigay sa ikalawang titulo sa table tennis sa Lady Archers sapul nang isama ang women’s division noong 1983.
Ito ang ikalawang titulo ng La Salle sa 75th season matapos dominahin din ang women’s taekwondo.