MANILA, Philippines - Walang nakikitang problema ang isang POC official kung sakaling tumakbo si Manny V Pangilinan sa eleksyon na gagawin sa Nobyembre 30.
May probisyon sa POC election rules na nagsasaad na kailangang aktibo at laging dumadalo ang NSA official na nais na tumakbo sa presidency ng National Olympic Committee (NOC).
Hindi pa klaro kung ang dapat ba na ang pangulo ng NSA ang tinutukoy na dapat na maging aktibo o ang NSA na kinakatawan ng kanilang representante.
Si MVP ay hindi dumadalo sa mga pagpupulong dahil abala sa kanyang trabaho ngunit aktibo ang pinangungunahan na Samahang Basketbol ng Pilipinas sa mga aktibidades ng POC at kahit ang paglahok sa mga torneo sa labas ng bansa.
“Hindi malinaw pero wala naman sigurong problema kung magdesisyon si MVP na tumakbo. Paano mo sasabihin sa kanya na tumutulong sa iba’t ibang sport na hindi siya aktibo? Nakakahiya naman kung gagawin natin ito,” wika ni POC spokesperson Joey Romasanta.
Si Pangilinan ang siyang tinitingnan ng nakararami na kayang tapatan ang nakaupong pangulo na si Jose Cojuangco Jr. sa pinakamataas na puwesto sa POC.
Nagpahayag na si Cojuangco na tatangkain niya ang ikatlong termino at minsan na ring inalok si MVP na tumakbo sa kanyang tiket bilang chairman.
Pero naunang nagsabi si Pangilinan na hindi interesado na humawak ng kahit anong puwesto sa POC at kontento na lamang sa pagtulong.
Ngunit sinasabing lumalakas ang udyok kay MVP na tumakbo na lalo pa’t malaki ang magagawa ng tangang koneksyon at pera para maibangon ang Philippine Sport.
“MVP is slowly feeling the pressure to take on the responsibility of going for the presidency. He is already into several sports disciplines as benefactor so it wouldn’t be too far-fetched to imagine him taking on a bigger challenge,” wika ng mga sources na kinukumbinsi pa rin si MVP.
Bukod sa basketball, si Pangilinan ay chairman din ng Philippine Badminton Association at Amateur Boxing Association of the Philippines bukod pa sa pagtulong sa larong taekwondo, tennis, football, cycling at running.