MANILA, Philippines -Tinalo ni Warren Kiamco si Danny Lee ng US upang maging kampeon sa Houston Open na idinaos mula Setyembre 28 hanggang 30 sa Legends Billiards League City sa Texas.
Ang tubong Pasil, Cebu na si Kiamco ay nangailangan ng mga breaks sa huling dalawang racks tungo sa 9-6 panalo at ibulsa rin ang $3,025.00 gantimpala.
Umabot sa 128 ang manlalarong sumali at si Kiamco ay hindi natalo sa kabuuan ng torneo.
Unang kinalos niya sina James Davis Sr. at David Hensen bago hinarap si Lee at umani ng 9-5, upang makuha ang hot seat.
Si Lee ay bumangon mula sa loser’s side gamit ang 7-1 panalo kay Sylver Ochoa para pangunahan ang loser’s bracket at muling sukatin si Kiamco sa race-to-9 finals.
Agad na umarangkada ang Filipino pool player sa 2-0 at 4-2 pero bumalik si Lee at dumikit sa 5-4.
Nakuha pa ng American pool player ang dalawa sa sumunod na tatlong racks na pinaglabanan para magtabla sa 6-all.
Dito na kumapit ang malas kay Lee dahil matapos maipanalo ni Kiamco ang 13th rack, sumablay si Lee sa malayong pabandang tira tungo sa clean-up ni Kiamco.
Break ni Lee pero na-scratch siya at ipinasok ni Kiamco ang mga nakalatag na bola para sa 9-6 tagumpay.
Nakaroon ng pakonsuwelong premyo na $2,015.00 si Lee habang si Ochoa ang pumangatlo at nag-uwi ng $1,390.00 premyo.
Ito ang unang panalo pa lamang ni Kiamco matapos ang 10 torneo sa labas ng bansa para iakyat ang kabuuang premyong nakamit na sa $10,550.00. (ATan)