Walang kinikilingan
May maigting na panalangin ang representatives ng Ateneo at UST para sa UAAP best-of-three finals na magsisimula sa Sabado sa Mall of Asia Arena.
Sana daw ay maging patas ang tawagan at walang kilingan ang mga referees.
“Let the players decide the game and not the officials. Dapat maging fair lang,” ang paunang sabi ni UST coach Pido Jarencio.
Nangako si Jarencio, isang superstar nung siya ay naglalaro pa sa UAAP para sa UST at sa PBA para sa Ginebra, na walang maririnig ang mga referees sa kanya.
Madali namang sumang-ayon si Ateneo team manager Paolo Trillo na kung magiging patas lang ang tawagan ay mas maganda pa ang kalalabasan ng championship series.
“I agree with what coach Pido said,” ang sabi ni Trillo.
“Gusto din namin maging consistent ang mga referees dahil yun din naman ang hinahanap ng mga fans at ng dalawang teams,” sabi pa niya.
Itong UAAP season na ito, ilang beses nagkaroon ng kontrobersiya dahil sa tawag ng mga referees. Dalawang beses din na umabot pa sa UAAP board ang mga protesta.
Sana ay huwag na itong maulit sa finals. Huwag sanang sa boardroom madesisyunan ang isang laro.
Bagamat llamado ang Ateneo, dahil sa kanilang pagkapanalo ng titulo sa huling apat na taon, umaasa ako sa isang matikas na laban mula sa UST.
Napansin ko sa elimination round na hirap ang Ateneo sa UST.
Magandang match-up kasi ang ibinibigay sa Ateneo ng mga batang España.
Isa pa, mas gutom ang UST Tigers sa titulo dahil ang huli nilang pagkapanalo ay nung 2006 pa kung saan rookie coach si Jarencio.
Nagpahaging si Jarencio, isang deadly shooter, na baka huling taon na niya ito bilang UST coach--kahit na ano ang magyari.
Ganun din naman si Ateneo coach Norman Black. Huling taon na din niya ito sa UAAP dahil mula ngayong taon na ito ay siya na ang magsisilbing head coach ng Talk N Text sa PBA.
“Medyo pagod na din ako. Para maganda na din ang exit ko kung sakali,” sabi ni Jarencio
Huwag lang makialam ang mga referees.
- Latest
- Trending