MANILA, Philippines - Anuman ang mangyari ay memorable ang huling taon ng paglalaro ni Jam Cortes para sa host Letran sa 88th NCAA men’s basketball.
Palaban ang Knights para sa Final Four sa 11-6 baraha at si Cortes ang nagbida sa huling dalawang panalo laban sa Jose Rizal University (70-59) at Emilio Aguinaldo College (86-80).
Tumipa ang 24-anyos tubong Cagayan ng 16 puntos at 10 rebounds sa laro laban sa Heavy Bombers habang may mas matinding 25 puntos at 14 boards nang kunin ang 86-80 tagumpay sa Generals.
“Nananalo kami hindi dahil sa isang player kundi dahil sa magandang teamwork. Kung wala ang isa ay hindi ito nakakaapekto sa aming laro dahil andoon ang suporta ng iba,” banggit ni Cortes na naghahatid ng 12.3 puntos at 9 rebounds sa season.
Ang ipinakitang mahusay na laro ng beteranong si Cortes ang nagtulak sa NCAA Press Corps na ibigay ang lingguhang Player of the Week Citation sa nasabing manlalaro na suportado rin ng Accel 3XVI.
“Hindi naman kataka-taka ang ipinakikitang ito ni Jun dahil ganyan din ang ipinakikita niya sa practice. He’s living up to the expectations since last season na niya ito,” wika ni Knights coach Louie Alas.
Tinalo ni Cortes sa parangal si JRU gunner Byron Villarias upang makasama ang mga kakamping sina Kevin Alas at Kevin Racal na naunang ginawaran ng nasabing citation. (AT)