MANILA, Philippines - Tinapos ng host school St. Clare College-Caloocan ang dominanteng paglalaro sa 12th NAASCU men’s basketball nang talunin uli ang Centro Escolar University, 78-74, sa overtime para hiranging kampeon ng torneo na natapos kahapon sa Makati Coliseum.
Muling nagpasiklab si Jeff Viernes ng kumana ng 31 puntos na tinampukan ng dalawang free throws upang maitabla ang iskor sa regulation, 71-all.
Mula dito, hindi na nagpabaya pa ang Saints sa overtime at isara ang best of three finals sa bisa ng 2-0 sweep at bitbitin ang kanilang kauna-unahang titulo sa liga.
Isang beses lamang natalo ang Saints sa liga at ito ay ipinatikim ng Scorpions sa second round elimination.
“CEU played great but our boys are determined. This is a product of all the hard work the members of the team did during the off-season,” wika ni St. Clare President Dr. Jay Adalem.
Si Viernes na nag-average ng 34.5 sa finals ang hinirang bilang Most Valuable Player at nanguna sa Mythical Team na kinabibilanganan din ng kakamping si Eugene Torres, mga CEU players Axl Garcia at Mark Guillen at Cedric Ablaza ng STI.
Naibsan naman ang sakit ng pagkatalo ng Scorpions nang manalo ang CEU sa STI, 90-80, sa juniors divisoin.
Sina Jason Opiso at Aaron Jeruta ay may 31 at 30 puntos para sa Baby Scorpions na nagkampeon din sa unang pagkakataon.
Si Jeruta ang siyang ginawaran ng MVP award habang si Opiso ang Rookie of the Year.
Ang dalawa ang nanguna sa Mythical Team kasama sina Patrick Aquino ng STI, Jowel Termulo ng Our Lady of Fatima University at Christhoper Bitoon ng St. Clare.