MANILA, Philippines - Matapos ang tagumpay na nakuha ng Azkals sa 1st Philippine Peace Cup na natapos noong Sabado ng gabi, isang bagong problema ang kakaharapin ni coach Hans Michael Weiss.
Ang problema niya na dapat na madesisyunan bago ipadala ang koponan sa 2012 AFF Suzuki Cup sa Nobyembre sa Bangkok, Thailand ay kung palalaruin pa ba o hindi sa koponan ang mga Fil-Foreigners na hindi nasama sa koponan.
“We now have quality of players and new players who can make an impact. We will now have to see if we still need to bring in Fil-Foreign pros who are jet lag for a tournament or only tap them when they are 100% ready,” wika ni Weiss.
Kailangang pag-aralan ni Weiss ang sitwasyon matapos dominahin ng bagong mukha ng Azkals ang Peace Cup gamit ang 3-0 sweep.
Sa unang laro lamang napahirapan ang Pambansang koponan nang nailusot ang 1-0 panalo sa Guam bago inilampaso ang Macau (5-0) at Chinese Taipei (3-1) upang maibigay sa Pilipinas ang kauna-unahang international football title na huling nangyari sa Far East Games noong 1913.
Wala sa koponan ang mga Fil-Europeans sa pangunguna ni goal keeper Neil Etheridge at ang mahuhusay na magkapatid na sina Phil at James Younghusband pero lumutang ang mga baguhang sina Dennis Wolf, Patrick Anthony Reichelt at 18-anyos Fil-Am OJ Porteria na nagsanib sa pitong goals sa torneo.
Si Wolf ang hinirang sa Golden Boot Award matapos ang nangungunang apat na goals na kinatampukan ng hat trick laban sa Macau.
Nakaiskor din ang team skipper na si Chieffy Caligdong at siya, si Wolf at Porteria ay nanggaling sa magkakaibang panahon na nagbibigay ng magandang senyales sa kinabukasan ng koponan.
“Our objective was to build the core players here in the country. We have reached our goal because we now have a solid base of at least 20 players,” dagdag ng German coach.
Magpapatuloy naman ang intensibong pagsasanay ng koponan sa Oktubre sa pagharap sa mga international friendly games laban sa Bahrain at Kuwait sa Oktubre 12 at 16.
May plano rin na magsagawa ng training camp sa Japan at harapin ang Singapore sa Nobyembre 15 sa isa pang friendly game sa bansa.
Ang lahat ng ito ay nakatutok sa inaasam na matagumpay na paglalaro sa Suzuki Cup at nais ng Azkals na mahigitan ang pagpasok sa semifinals noong 2010 edisyon.