Paghihirap ng NU nagbunga na
MANILA, Philippines - Nagbubunga sa taong ito ang pinaghirapang sports development program na inilatag ng National University ilang taon na ang nakalipas.
Gamit ang pera ng pamilyang nagpasikat ng SM malls sa buong bansa at pagsisikap sa pagpaplano nina NU athletic director Junel Baculi at University President Nilo Ocampo, tuluyang umaani ng tagumpay ang Bulldogs sa iba’t-ibang palakasan na sakop ng 75th UAAP season.
Dalawang titulo na ang nasa bulsa ng dating ‘whipping boys’ ng liga sa larong men’s badminton at beach volleyball
Hiniya ng Bulldogs ang dating kampeon na Ateneo, 3-2 sa badminton habang nangibabaw naman laban sa FEU sa beach volley.
Bunga nito ay tinapatan na ng NU ang dalawang kampeonato na naiuwi ng Bulldogs noong 74th season na nakuha sa juniors basketball at men’s baseball.
Malaki ang posibilidad na mahawakan pa rin ng koponan ang juniors title dahil ang Bullpups ay number two sa Final Four habang buo pa rin ang baseball team upang maging paborito sa mga makakatunggali.
Makasaysayan din ang season dahil sasali rin ang NU sa unang pagkakataon sa larong softball sa pamamatnubay ni Isaac Bacarisas na siya ring head coach ng baseball team.
Walang duda na anuman ang mangyari sa mga laban sa iba pang events sa liga, taas-noo na bibitiwan ng NU ang hosting dahil sa mga magagandang naipakita.
- Latest
- Trending