MANILA, Philippines - Talunin ang Japan ang siyang ultimong adhikain ng men’s softball team sa pagdayo nila sa Niimy City sa Okayama, Japan sa susunod na buwan para lumahok sa Asian Men’s Softball Championship.
Ang torneong gagawin mula Oktubre 25 hanggang 28 ay lalahukan ng anim na bansa at isang qualifying event para sa World Men’s Championship sa New Zealand sa 2013.
Tatlong koponan ang aabante sa World championship at nakikita ng pamunuan ng ASAPhil na papasok pa rin ang Pilipinas.
Kaya’t ang misyon nila ay ang patikimin ng kabiguan ang Japan na siyang laging kampeon sa torneo.
Ang iba pang kasali ay ang Indonesia, Singapore, Hong Kong at India at ang mga kasali ay dadaan sa single round robin upang madetermina ang apat na mangungunang koponan na haharap sa Page System para malaman naman kung sino ang maglalaban sa Finals.
Ang Indonesia ay isa sa mga malakas na koponan sa South East Asia. (RMP)