Cortes bumandera sa panalo vs EAC; Letran sa playoff
MANILA, Philippines - Nakamit ng Letran College ang playoff para sa isa sa apat na silya sa Final Four matapos talunin ang Emilio Aguinaldo College, 86-80, sa second round ng 88th NCAA basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Patuloy na sinolo ng Letran ang ikatlong puwesto sa kanilang 11-6 record sa ilalim ng nagdedepensang San Beda (14-2) at San Sebastian (11-5) kasunod ang Perpetual (10-6), Jose Rizal (10-7), EAC (7-10), Mapua (6-10), Arellano (6-10), St. Benilde (4-12) at Lyceum (3-14).
Kasalukuyan pang naglalaro ang Red Lions at ang Altas habang isinusulat ito.
“We’re taking it one game at a time muna,” sabi ni head coach Louie Alas sa kanyang koponan. “Basta kami every game ibibigay namin ang lahat para manalo.”
Humakot si Jam Cortes ng career high 25 points at game-high 14 rebounds para sa Knights, habang nagdagdag si Kevin Alas ng 17 markers at 8 assists.
Ang panalo ng Letran sa Arellano sa Oktubre 6 ang ganap nang magpapasok sa kanila sa Final Four para sa ikalawang sunod na NCAA season.
Ito ang pang pitong panalo ng Intramuros-based cagers sa kanilang huling walong asignatura.
Nakahugot naman ang Generals ng 20 points kay Russell Yaya.
Mula sa 27-13 abante sa first period ay pinalobo pa ng Letran ang kanilang kalamangan sa 20 puntos, 51-31, sa halftime bago nakalapit ang EAC sa dulo ng fourth quarter sa likod ni Yaya.
Letran 86- Cortes 25, Ke. Alas 17, Cruz 12, Racal 10, Almazan 10, Belorio 6, Gabawan 4, Lituania 2, Luib 0.
EAC 80- Yaya 20, Tayongtong 15, Happi 12, Morada 9, Jamon 8, Paguia 6, Chiong 4, Monteclaro 4, Pillas 2.
Quarterscores: 27-14; 51-31; 69-56; 86-80.
- Latest
- Trending