Makulay na opening ceremony sa 38th PBA season mapapanood sa AKTV, Batang Pier, Ginebra magkakasubukan
MANILA, Philippines - Sa pagkakadagdag ni veteran pointguard LA Tenorio at nina Fil-American rookies Chris Ellis at Keith Jensen, kumpiyansa si Mark Caguioa na maganda ang ipapakita ng Barangay Ginebra San Miguel para sa 38th season ng Philippine Basketball Association.
“With the addition of LA and our two rookies, mas madali ngayon. These guys can score if they want. They can practically do everything,” wika ni Caguioa, ang 2012 PBA Most Valuable Player. “It will make life easier sa aming mga beterano, and the game is gonna be a lot faster.”
Bubuksan ng Gin Kings at ng Global Port Batang Pier ang 2012-2013 PBA Philippine Cup ngayong alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Bukod kina Caguioa at Tenorio, ipaparada rin ng Ginebra sina Jayjay Helterbrand, Kerby Raymundo, Mike Cortez, Rudy Hatfield, Dylan Ababou at Rico Maierhofer, habang ipaparada naman ng Global Port sina two-time PBA MVP Willie Miller, scoring champion Gary David, Rabeh Al-Hussaini, Rey Guevarra, Alex Crisano at mga rookies na sina Vic Manuel at Jason Deutchman.
“We are confident na maganda ang ilalaro namin this season, especially with LA in our team,” sambit ni Gin Kings’ head caoch Siot Tanquingcen kay Tenorio na kanilang nahugot mula sa isang five-team, six-player deal sangkot ang Batang Pier, Alaska Aces, Barako Bull Energy Cola at Petron Blaze Boosters.
Si Miller ay bahagi ng naturang kasunduan na nagdala naman kay JVee Casio sa Aces at kay 6-foot-5 Rico Villanueva sa Energy Cola.
“Hindi lang naman ang Ginebra ang pinaghahandaan namin eh, kundi lahat ng teams,” wika ni Batang Pier mentor Glenn Capacio.
Sisimulan naman ng Talk ‘N Text ang pagdedepensa sa kanilang PBA Philippine Cup sa Oktubre 5 laban sa Meralco sa ganap na alas-5:15 ng hapon sa Big Dome.
Samantala, isang makulay na opening ceremony ang matutunghayan sa pagsisimula ng 38th season ng Philippine Basketball Association.
Mapapanood ng mga basketball fans ang naturang seremonya sa AKTV sa IBC 13 sa ganap na alas-4 ng hapon.
Umaasa ang PBA television partner na Sports5, ang sports arm ng TV5, na makakahakot sila ng mas maraming fans mula sa bagong line up ng mga PBA teams teams at mga bagong players.
Nanggaling ang liga sa isang matagumpay na season matapos magtala ng box-office receipts at mataas na viewership ratings.
- Latest
- Trending