MANILA, Philippines - Binalikat ni Kiefer Ravena ang malamig na opensa sa huling yugto ng Ateneo para pumasok muli ang koponan sa UAAP Finals sa bisa ng 66-63 come-from-behind panalo sa La Salle sa nag-uumapaw na Araneta Coliseum kahapon.
Ibinagsak ni Ravena ang 16 sa kanyang 28 puntos sa huling yugto at ang Eagles ay nanalo kahit napag-iwanan ng 11 puntos, 49-38, sa pagbubukas ng fourth period sa undergoal stab ni Yutien Andrada.
“We knew we would not get our usual average because La Salle is the number one defensive team. We’re just coaching play by play and changed our defense in the end and it work out for us,” wika ni Eagles coach Norman Black.
May tatlong assists din si Ravena sa yugto at ang pasa kay Ryan Buenafe na kumonekta ng tres ang nagbigay ng 64-62 bentahe sa huling 55.6 segundo.
Nakapanakot ang Archers na tatabla sa laban nang nalagay sa 15-foot line si Jeron Teng sa unsportsmanlike foul ni Ravena pero isang free throw lamang ang kanyang naipasok.
Sa opensa ng Archers ay nabitiwan ni Teng ang bola sa tila tapik sa kamay ni Buenafe na hindi naitawag ng referees may tatlong segundo sa orasan.
Umusad ang Eagles sa Finals at makakatapat ang number two team na UST na pinagpahinga ang host National University sa unang laro, 63-57.
Isinantabi ni Kevin Ferrer ang masamang pakiramdam nang maghatid ng 17 puntos, 15 sa first half, bukod pa sa paglimita sa MVP ng liga na si Bobby Ray Parks Jr. sa 12 puntos lamang.
Ang graduating player na si Jeric Fortuna ay nagpakawala naman ng dalawang tres sa mahalagang run na nagbigay ng 59-50 bentahe sa Tigers sa huling yugto para makapasok ang Tigers sa finals na huling nangyari noon pang 2006.
“Siguro ay may destiny itong team. Hindi kami pinag-uusapan sa simula pero narating namin ito,” wika ni Jarencio.
Ang Game One ng best of three finals sa 75th men’s basketball ay sisimulan sa Sabado sa MOA Arena sa Pasay City. (ATan)
UST 63 - Ferrer 17, Abdul 15, Mariano 14, Fortuna 8, Teng 6, Vigil 3, Pe 0, Lo 0.
NU 57 - Javillonar 15, Parks 12, Alolino 8, Villamor 6, Betayene 5, Mbe 4, Khobuntin 3, Rono 2, de Guzman 2, Singh 0.
Quarterscores: 17-18, 38-34, 56-50, 63-57
ADMU 66 - Ravena 28, Salva12, Buenafe 10, Tiongson 5, Slaughter 4, Chua 4, Sumalinog 3, Pessumal 0.
DLSU 63 - Andrada 17, Vosotros 14, Teng 12, N. Torres 6, T. Torres 5, Tampus 4, Van Opstal 3, Mendoza 2, Webb 0, Revilla 0.
Quarterscores: 14-12, 31-26, 38-47, 66-63.