MANILA, Philippines - Magarang pagtatapos ang hanap ng Philippine Azkals sa pagsasara ng tabing sa 2012 Philippine Peace Cup ngayong gabi sa Rizal Memorial Football Field.
Inaasahang dadami ang mga taong manonood sa laro ng Azkals kontra sa Chinese Taipei upang pataasin ang morale ng home team na naghahanap ng kauna-unahang international title sa huling mga dekada.
Sinasabing ang huling kampeonato na naibulsa ng Pilipinas sa pinakapopular na sport sa mundo ay nangyari noon pang 1913 Far East Games.
Bagamat wala ang mga Fil-European players at ang magkapatid na sina Phil at James Younghusband ay maningning pa rin ang kampanya ng koponan matapos ilampaso ang Guam, 1-0, at Macau, 5-0, upang magkaroon ng nangungunang anim na puntos sa apat na bansang liga.
Ang Taipei na tumabla sa Macau, 2-2, pero nanalo sa Guam, 2-0, ay mayroong apat na puntos para pumangalawa sa standings.
Kailangan lamang ng Pilipinas na itabla ang laro upang hiranging kampeon ng liga.
Ngunit ayaw ipasok ni coach Hans Michael Weiss ang bagay na ito at sa halip ay nais na niyang maging agresibo pa rin ang Azkals gaya sa huling laro.
“They are a good team and this is an open game,” wika ni Weiss na ang ibig ipahiwatig ay hindi basta-basta patatalo ang katunggali bagay na pinatotohanan ng Chinese Taipei coach Chiang Mu Tsai.
“This is called the Peace Cup but our goal is to win the tournament. We know it will be a tough game but we will try our best,” wika ni Chiang.
Si Dennis Wolf na gumawa ng hat trick sa panalo laban sa Macau ay makikipagtulungan kay Patrick Anthony Reichelt para maipanalo ang Azkals.
Ang torneong ito ay ginagamit ng Azkals bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa Suzuki Cup sa huling linggo ng Nobyembre sa Thailand.