MANILA, Philippines - Kinansela na ng Raya Sports ang 2012 WPA World Ten Ball Championship na dapat ay lalaruin mula Oktubre 9 hanggang 14 sa SM Megamall, Manila.
Ito sana ang ikaanim na edisyon ng torneong kinatatampukan ng mga mahuhusay na bilyarista sa mundo pero kinailangang isantabi dahil sa mga problemang kinaharap ng organizers.
“Due to unavoidable circumstances and the unexpected unavailability for now of a suitable billiards table equipment here in Manila, we the Board of Directors of PRISM-Raya Sports want to officially announce that our company will not organize and state the 2012 WPA World Ten Ball Championship at the SM Megamall in Manila as planned on October 9-14,” wika ng statement ng organizers na lumabas sa azbilliards.com.
Sa halip, magsasagawa na lamang ng dalawang 2012 WPA World ranking tournament sa kalalakihan at kababaihan na itinakda mula Nobyembre 26-28 at Disyembre 1-4 sa Skydome sa SM North Edsa.
Sa Disyembre 4 ay magho-host din ang organizers ng dinner ceremony upang dito iproklama ng international body WPA ang 2012 Male at Female Player of the Year.
Umaasa ang organizers na maiintindihan ng mga manlalaro ang kanilang sitwasyon kasabay ng pangakong ibabalik din ang kinaaabangang Ten Ball event sa susunod na taon kapag naayos na ang problema.