MANILA, Philippines - Maglalatag ang MVP Sports Foundation-Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) ng isa pang P1 million championship sa susunod na buwan na ang bulto ng premyo ay itataya sa premier Open division ng ranking tournament sa Powersmash at Makati Coliseum.
Ang mga magwawagi sa men’s at women’s singles at doubles at mixed doubles ay tatanggap ng tig-P70,000, habang ang mga runners-up sa lahat ng kategorya ay makakakuha ng tig-P35,000 na siyang pinakamalaking Open tournament.
Lalaruin din ang Under-19 at Under-15 categories.
Nakatakda ang deadline sa Oktubre 15 sa ganap na alas-5 ng hapon sa PBaRS office sa 20 E. Maclang cor. P. Guevarra Sts., San Juan City, ayon kay PBaRS tournament director Nelson Asuncion.
Ang eliminasyon ay gagawin sa Powersmash sa Oktubre 27-28 at ang quarterfinals, semifinals at finals ay idaraos sa Makati Coliseum sa Oktubre 29-31.
Ang event, inorganisa ng Philippine Badminton Association sa pamumuno nina Vice President Jejomar Binay, chairman Manny V. Pangilinan at sec-gen Rep. Albee Benitez, ay bahagi ng kanilang programa para makahanap ng mga world class players.
Kabilang sa mga players na lalaban para sa premyo at ranking points ay sina Joper Escueta, Bianca Carlos, Peter Magnaye, Gelita Castilo, Ronel Estanislao, Paul Vivas, Dia Magno, Jen Cayetano, Kim Mayono at ang magkapatid na Malvinne at Mark Alcala.