MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na edisyon ng World Juniors Wushu Championships ay nakapag-uwi uli ang inilabang Pambansang delegasyon ng ginto na ginawa sa Macau, China mula Setyembre 17 hanggang 25.
Si Alieson Ken Omengan, isang 14-anyos na junior high school estudyante ng San Jose School of La Trinidad sa Benguet ang siyang kumuha ng ginto sa paboritong nannquan (wooden stick).
Umabot sa 11 ang naglaban-laban sa nasabing event at si Omengan na isang double silver medalists sa Philippine National Games, ay nakakuha ng 9.31 puntos upang manalo sa labang hatid ng manlalaro mula Korea (9.28) at Vietnam (9.27).
Ito ang ikalawang medalya ni Omengan sa pandaigdigang torneo matapos manalo pa ng pilak sa nanquan.
“First time ko po na maglaro sa international tournament pero may confident ako dahil maganda ang training ko,” wika ni Omengan.
Noong 2010 sa Singapore ay nanalo rin ng ginto si John Keithley Chan sa spear play event upang patuloy na maipakita ng Pilipinas na may mga panlaban pa ito sa susunod na malakihang torneo.
Ang 12-anyos na si Faith Liana Andaya, na nanalo ng tatlong ginto sa nakalipas na PNG, ay kumulekta pa ng isang pilak sa larangan ng girl’s jianshu habang ang mga sanda artist na sina Noel Alabata at Jean Claude Saclag ay nag-uwi ng bronze medals sa men’s 48 at 56 kilograms division.
Ito na ang pinakamagandang pagtatapos ng delegasyong inilaban ng Wushu Federation of the Philippines (WFP) sa pangunguna ng kanilang pangulong si Tan She Ling at secretary-general Julian Camacho dahil isang ginto at isang bronze medals na nasungkit noong 2010 edisyon. (AT)