McClinton paghahandaan ang 2 world tournaments
MANILA, Philippines - Dalawang world tournaments ang sasalihan ni Filipina bodybuilder Luzviminda “Mama Luz” McClinton matapos magtagumpay sa Phil-Asian Pacific International Bodybuilding Championships sa Cebu City.
Ang 33-anyos na si McClinton ay tutulak sa Oklahoma sa Nobyembre 10 para lumaban sa World Body Figure and Fitness Building Championships bago tumulak patungong Berlin, Germany para sa isa pang world class tournament sa Nobyembre 24.
Hindi naman nakakagulat kung bakit ganito ang naaabot ni McClinton dahil bunga ito ng kanyang pagmamahal sa sport at ang hangaring bigyan ng pagkilala ang Pilipinas.
“I love this sport. It’s my passion. I’m in love with it,” wika ni McClinton nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Ngunit kailangan ding magsakripisyo si McClinton para mapanatili ang magandang porma at isa rito ay ang no-salt, no-oil diet at tanging ang inihaw at pinasingawan ang kanyang mga puwedeng kainin.
Bago ang tagumpay sa Phil-Asian Championship, si McClinton na may isang anak na babae na edad 13-anyos, ang itinalaga bilang kauna-unahang Filipina bodybuilder na nanalo sa Pro Fame Figure noong 2010 World Championship sa Las Vegas.
Isa rin sa sakripisyo niya ay ang kawalan ng tulong pinansyal sa pamahalaan kahit bitbit niya ang bansa kapag lumalaban sa mga torneo.
Ang mga malalapit na kaibigan ang mga tumutulong sa pagtustos sa kanyang pangangailangan kapag lumalaban.
- Latest
- Trending