MANILA, Philippines - Sisikaping sandalan ni Dennis Orcollo ang panalong naitala sa China Open sa pagtangka niya na makuha ang ikalawang kampeonato sa World Pool Masters na gagawin mula Oktubre 5 hanggang 7 sa Kielce, Poland.
Ang 33-anyos na si Orcollo ang nag-iisang kinatawan ng Pilipinas sa nasabing torneo na lalahukan ng 16 manlalaro kasama ang nag-iisang babaing manlalaro sa katauhan ni Kelly Fisher ng England.
Nangunguna sa talaan ang six-time defending champion na si Ralf Souquet ng Germany, ang number one player na si Darren Appleton ng England, dating World junior champion Ko Pin-yi, at 2008 champion Alex Pagulayan na kakatawanin ang Canada sa pagkakataong ito.
Hinirang na kampeon si Orcollo noong 2010 sa Las Vegas at namurong makadalawang sunod nang pumasok sa Finals noong nakaraang taon na nilaro sa SM North Edsa. Pero kinapos siya kay Souquet, 5-8.
Ito ang ika-19th edisyon ng palaro na handog ng Matchroom Sport at anim na bansa lamang ang nakapag-uwi ng kampeonato sa torneo.
Ang Germany ang may pinakamarami sa walo, dalawa rito ay kay Thomas Engert, habang ang Pilipinas ay pumapangalawa sa apat at dalawa rito ay hatid ni Francisco Bustamante noong 1998 at 2001.
Ang Great Britain ay may tatlo, at ang US, Malta at Netherlands ay may tig-isa.
Paborito pa rin si Souquet pero hindi siya nakakasiguro sa kalidad ng mga katunggali kasama na rito ang apat na manlalaro ng host Poland na sina Radoslaw Babica, Karol Skowerski, Mateusz Sniegocki at Wojciech Szewczyk.
Sina Karol Skoweski at Szewczyk ay galing sa makasaysayang pangalawang puwestong pagtatapos sa World Cup of Pool na ginawa sa Pilipinas at tiyak na inspirado silang maglalaro para makuha ng host country ang panalo.
Knockout ang format ng laro at unang susukatin ni Orcollo na seeded fourth ay si Fisher.
Sinahugan ang tagisan ng $66,000 at ang mananalo ay magbibitbit ng $20,000 premyo.