PH sluggers kampeon sa Asia Cup

MANILA, Philippines - Limang taon ang hi­nin­tay ng Pilipinas para mabawian ang Thailand sa pagkatalo noong 2007 SEA Games.

Kumulekta ng run-sco­ring singles sina Francis Candela at Junifer Pinero sa top of the ninth inning para basagin ang 1-1 pagkakatabla tungo sa 3-1 panalo at hiranging kampeon sa 2012 East Asia Cup Baseball Championship na natapos kahapon sa Queen Sirikit Diamond sa Bangkok, Thailand.

Ang single ni Candela ang nagpapasok kay Joseph Orillana bago humataw si Pinero tungo sa insu-rance run ni Jonash Ponce.

Si Orillana ang unang nakapaghatid ng RBI sa bansa nang ang single sa sentro ay nagpasok kay Reuben Angeles para basagin ang kawalan ng iskor sa unang limang innings.

Ipinasok ni coach Wilfredo Hidalgo si Darwin dela Calzada bilang ikatlong pitcher sa huling palo ng Thailand at hindi naman napahiya ang beteranong mamumukol sa tiwala ng koponan nang hiritan ng tatlong sunod na strikeouts ang Thais para maisantabi ang pagkakatungtong ng kanilang first batter mula sa isang hit.

Si Jon Jon Robles ay pinagpukol sa unang limang innings at hindi niya binigyan ng run ang home team.

Pumasok si Charlie Labrador na napasukan ng isa sa bottom sixth upang magkatabla ang dalawang bansa (1-1) na ikinatuwa ng mga local fans.

Ang panalo ay kumum­pleto sa 4-0 sweep ng National sluggers na unang tinalo ang Singapore, 16-0, Myanmar, 13-0, at Hong Kong, 3-1.

Dahil dito, ang Pilipinas ang kakatawan sa rehiyon sa Asian Baseball Championship sa Chinese Taipei sa Nobyembre.

Naibaon na rin sa limot ng Nationals ang 5-4 pagkatalo sa Thais sa finals ng 2007 SEAG na isinagawa sa nasabing bansa.

Show comments