Tiu 'di makakaiwas sa sermon at sigaw ni Guiao
MANILA, Philippines - Maski ang isang katulad ni 2012 PBA No. 7 overall pick Chris Tiu ay hindi makakatakas sa sigaw at sermon ni Rain or Shine head coach Yeng Guiao.
Sinabi ni Andy Jao, ang alternate Governor ng Elasto Painters sa PBA Board, na pantay-pantay ang pagtingin ni Guiao sa kanyang mga players.
“Walang superstar sa kanya. Kung sabagay wala naman talagang superstar sa team. Lahat ng dapat kagalitan, makakatanggap talaga sa kanya,” ani Jao kay Guiao. “The reason why everybody respects him, follows him in whatever he wants them to do.”
Dahil na rin sa disiplinang pinapairal ni Guiao, nakamit ng Rain or Shine ang kanilang kauna-unahang PBA championship matapos ang anim na taon.
Inangkin ng Elasto Painters ang korona ng nakaraang PBA Governors Cup laban sa B-Meg Llamados, ngayon ay San Mig Coffee Mixers.
Ang paghugot sa six-footer na si Tiu, naglaro para sa Ateneo Blue Eagles sa UAAP at sa Smart Gilas Pilipinas ni Serbian mentor Rajko Toroman, ang magpapalakas pa sa outside shooting ng Rain or Shine.
Ayon kay Jao, makakaya ni Tiu na tanggapin ang mga sermon sa kanya ni Guiao kapag nagsimula na ang 38th season ng PBA sa Setyembre 30.
Makakatambal ni Tiu ang kanyang matalik na kaibigan na si TY Tang, produkto ng La Salle Green Archers na karibal ng Blue Eagles sa UAAP.
Maglalaro pa rin sa Elasto Painters sina Gabe Norwood, Jeff Chan, Paul Lee, Jireh Ibañez, Ryan Araña, Jervy Cruz, Chito Jaime, Beau Belga, JR Quiñahan, Larry Rodriguez, Ronnie Matias at Jonathan Uyloan.
Samantala, anim na provincial games ang nakalatag para sa 2012-2013 PBA Philippine Cup.
Dalawang linggo matapos ang season-opening tournament, pamamahalaan ng Digos City sa Davao Del Sur ang labanan ng Barangay Ginebra at Meralco sa Oktubre 13, habang sa Oktubre 27 naman magkikita ang nagdedepensang Talk ‘N Text at Rain or Shine sa Victorias City sa Negros Occidental.
Tatlo pang provincial games sa Nobyembre ang magtatampok sa Alaska, San Mig Coffee, Rain or Shine, Air21, Petron at Barako Bull.
- Latest
- Trending