Saludar wagi sa Mexican pug
MANILA, Philippines - Nasagad si Froilan Saludar kay Mexican Jose Alfredo Tirado nang umabot sa kabuuan ng 12 rounds ang kanilang tagisan na siyang main event sa “Kamao: Kidlat at Maso” fight card na ginanap noong Sabado ng gabi sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Napatamaan ng matitinding suntok ni Saludar si Tirado ngunit tunay na matibay ang dayong boksingero na tinalo ang dating papaakyat na si AJ Banal.
Pero sapat ang ginawa ng 23-anyos na si Saludar sa mata ng mga hurado para kunin ang 120-108, 119-109, 118-110, unanimous decision panalo mula sa mga huradong sina Emmanuel Mananquil, Sammy Bernabe at Epi Almeda.
Ito ang ikalawang sunod na unanimous decision win ni Saludar sa taong ito para iakyat ang karta sa 16 panalo sa 17 laban kasama ang 11 KO at angkinin din ang pinaglabanang WBO Oriental flyweight title.
Bumaba naman ang 32-anyos na si Tirado sa kanyang ika-12 pagkatalo matapos ang 39 laban na kinatampukan din ng 27 panalo.
Nagsipanalo rin ang mga Pinoy boxer na sina Mark Jason Melligen at Jerwin Ancajas laban sa mga bisitang katunggali.
Inuwi ni Melligen ang second round TKO win laban kay Sapapetch Sor Sakaorat ng Thailand habang tenth round TKO panalo naman ang kinuna ni Ancajas laban kay Miguel Tamayo ng Mexico. (AT)
- Latest
- Trending