MANILA, Philippines - Bagamat hindi tiyak ang kanyang panalo kay Juan Manuel Marquez sa Disyembre 8, tiwala naman si Manny Pacquiao na matutuloy ang kanilang laban ni Floyd Mayweather, Jr. sa susunod na taon.
“I’m waiting for that fight to happen,” sabi kahapon ni Pacquiao sa isang panayam ng ESPN First Take sa New York. “I’m eager to do that fight. I want that fight to happen.”
Tatlong ulit na bumagsak ang pakikipag-usap ni Bob Arum ng Top Rank Promotions kay Mayweather para sa kanilang mega fight ni Pacquiao.
Sinabi ng Filipino world eight-division champion na si Pacquiao (54-4-2, 38 knockouts) na ang American five-division titlist na si Mayweather (43-0-0, 26 KOs) lamang ang makakapagdesisyon kung gusto nitong maplantsa ang kanilang upakan sa 2013.
“It’s up to him. I can’t convince him; whatever he wants,” sabi ni Pacquiao kay Mayweather. “If he wants that deal, then the fight will happen.”
Ilang isyu ang ipinalutang ni Mayweather para hindi maplantsa ang negosasyon nila ni Pacquiao.
“There’s so many things; he makes alibis, I don’t know, that’s why I’m hoping he changes his mind and ‘let’s get it on’,” wika ni Pacquiao, nahirang na Fighter of the Decade.
Handa ang 33-anyos na si Pacquiao sa isang 45-55 purse split para matuloy lamang ang kanilang suntukan ng 35-anyos na si Mayweather.
“I don’t know what’s the reason why that fight has not happened,” wika ng Sarangani Congressman sa kanilang suntukan ni Mayweather. “It’s okay for me if he gets the higher percentage than me.”
Nakatakdang labanan ni Pacquiao sa ikaapat na pagkakataon ang 39-anyos na si Marquez (54-6-1, 39 KOs) sa isang non-title welterweight fight sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.