Lalaban na lang para sa 3rd place Gilas kinapos sa Iran
MANILA, Philippines - Sineryoso ng Iran ang Smart Gilas Pilipinas II na nagresulta sa 77-60 panalo sa semifinals ng FIBA Asia Cup kahapon sa Ota Gymnasium sa Tokyo, Japan.
Lumambot ang labang ipinakita ng National sa second half nang kakitaan ng lakas sa ilalim at husay sa pagbuslo sa tres ang mga Iranians para masayang ang 30-all iskor sa halftime.
Anim na tres ang ginawa ng Iran sa second half sa pangunguna ni Hamed Eslamieh at Mohammad Jafarabadi habang nagdomina sa ilalim si Mohammad Bahrami upang tapusin ng Iran ang paghahangad ng Pilipinas na makatikim uli ng titulo sa FIBA Asia tournament.
Ang panalo ay pambawi rin ng Iran na dumanas ng 75-77 pagkatalo sa Nationals sa Jones Cup.
Si Eslamieh ang nanguna sa kanyang koponan sa 14 puntos habang si Jafarabadi na tulad ni Eslamieh ay off-the-bench player, Bahrami, Asghar Kardoust at Oshin Sahakian ay nagsanib sa 50 puntos.
Sina Jared Dillinger at LA Tenorio ay mayroong tig-13 puntos habang si 6’10 Marcus Douthit ay may 11 puntos at 7 rebounds.
Ngunit sina Tenorio at Douthit ay nagtala ng tig-limang errors upang magkaroon ng 23 errors ang Pilipinas laban sa 18 lang ng Iran.
Nagresulta ito sa 18-11 turnover points upang isama pa sa 32-20 bentahe ng Iran sa inside points.
Sa panalong ito, ang Iran ay nakatiyak na ng puwesto sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship sa Lebanon at aasintahin ang titulo laban sa mananalo sa pagitan ng Japan at Qatar.
Kalaban naman ng Pilipinas ang matatalo sa ikalawang laro kagabi para sa ikatlong puwesto at ang huling slot sa 2013 Games.
Iran 77 – Afagh 14, Jamshidi 13, Kardoust 13, Bahrami 12, Sahakian 12, Davoud 6, Arghavan 6, Foroutan 1.
Philippines 60 – Tenorio 13, Dillinger 13, Douthit 11, Chan 5, Fonacier 5, De Ocampo 4, Norwood 4, Villanueva 3, David 2, Ganuelas 0, Thoss 0, Reyes 0.
Quarterscores: 16-17, 30-30, 53-47, 77-60.
- Latest
- Trending